MANILA, Philippines — Pinalawig ng Embahada ng Japan hanggang Abril 24 ang application period para sa mga Pilipinong nais mag-aplay bilang nurse at care worker sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA), ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) at Japan International Corporation of Welfare Services (JICWELS).
Ayon sa programa, kailangan ang 50 nurses o kangoshi at 300 care workers o kaigofukushishi para sa deployment sa Japan.
Sa ilalim ng mga kuwalipikasyon, ang mga aplikanteng nurse ay dapat Bachelor of Science in Nursing graduate, may aktibong lisensya mula sa Professional Regulation Commission, at may hindi bababa sa tatlong taong karanasan sa ospital, klinika, o health center.
Samantala, ang mga aplikanteng care worker ay dapat Bachelor of Science in Nursing graduate o nagtapos ng anumang apat na taong kurso na may TESDA National Certificate II sa caregiving.
Ang mga matatanggap na kandidato ay sasailalim sa anim na buwang Japanese language training sa Pilipinas at panibagong anim na buwan sa Japan, at inaasahang maaabot nila ang Japanese-language proficiency na katumbas ng N4 matapos ang programa.
Exempted sa language training sa Pilipinas ang mga aplikanteng may N3 o N4 Japanese Language Proficiency Test certification na nakuha matapos ang Abril 2024, habang maaari namang ma-exempt sa training sa parehong Pilipinas at Japan ang may N2 certification o may hindi bababa sa 12 buwang pag-aaral sa isang accredited Japanese language institution. May daily living allowance din na ibibigay habang nasa language training.
Ayon sa DMW, maaaring kumuha ng appointment ang mga interesadong aplikante sa alinmang tanggapan ng ahensya sa pamamagitan ng online registration portal at isumite ang mga kinakailangang dokumento sa itinakdang araw, kabilang ang résumé, school records, diploma, at iba pang supporting papers depende sa posisyong inaaplayan. RNT