MANILA, Philippines – Dalawang indibidwal ang inaresto matapos makumpiska ng pulisya ang marijuana at mga vape na may lamang hinihinalang liquid marijuana sa isang buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkules.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-1:50 ng madaling araw noong Martes sa Barangay Bagong Silangan, ayon sa Quezon City Police District.
Kinilala lamang ang mga suspek sa alyas na “Taton,” 24, at “Lorence,” 27.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y illegal drug activities ni Taton.
Nakabili muna ang isang undercover officer ng P500 halaga ng hinihinalang marijuana mula sa suspek bago isinagawa ang pag-aresto.
Nasamsam mula sa dalawa ang tinatayang 300 gramo ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops, humigit-kumulang tatlong gramo ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush,” at 24 disposable vaping devices na may lamang hinihinalang liquid marijuana.
Tinatayang nasa P76,500 ang halaga ng mga nakumpiskang ebidensiya.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang mga sachet ng marijuana, bundled dried plant material, assorted THC vape cartridges at devices na nasa branded packaging, isang mobile phone, at ang marked buy-bust money. Dagdag pa ng pulisya, dati nang naharap si Taton sa kasong frustrated homicide noong Nobyembre 2018.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Quezon City Prosecutor’s Office. Sinabi ni QCPD chief Police Brigadier General Randy Glenn Silvio na magpapatuloy ang pinaigting na anti-drug operations sa lungsod. Santi Celario