MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Miyerkules na bumaba na sa 273% ang jail congestion rate sa bansa sa gitna ng nagpapatuloy na mga reporma at pagpapahusay sa mga pasilidad ng kulungan.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni BJMP deputy chief for administration Jail Chief Superintendent Dennis Rocamora, “The good news is that our average congestion rate is decreasing to 273% na lang.”
Nilinaw naman niya na average lamang ang naturang bilang at may ilang pasilidad pa ring nakararanas ng matinding pagsisikip.
“But that is an average. Pero mayroon talagang mga jail facilities na over 1,000% plus pa rin ang congestion rate katulad noong sa Consolacion, Cebu at Muntinlupa because wala po talagang malipatan.”
Ayon kay Rocamora, kabilang sa mga hakbang para mabawasan ang pagsisikip sa mga kulungan ang pagtatayo ng mga bagong jail building, pagpapalawak ng mga umiiral na pasilidad, at mas matibay na koordinasyon sa hudikatura upang mapabilis ang pagresolba sa mga kaso.
Binanggit din niya ang mga nakabinbing panukalang batas na maaaring makatulong sa paglutas ng congestion, kabilang ang integrasyon ng provincial at municipal jails, pag-standardize ng jail management, at pag-optimize ng alokasyon ng pondo sa buong bansa.
Gayunman, sinabi ng mga mambabatas na kailangan pa ng mas malawak na solusyon, kabilang ang mas mabilis na pagresolba ng mga kaso at dagdag na pondo para sa imprastraktura at mga tauhan.
Sa kabila ng mga hamon, iginiit ng BJMP na nananatili itong nakatuon sa pagpapabuti ng kalagayan sa mga kulungan habang tinitiyak ang kaligtasan, seguridad, at rehabilitasyon ng mga persons deprived of liberty. RNT