Home NATIONWIDE PNP tatambay sa mga gasolinahan para sa rollout ng P10/litrong fuel subsidy

PNP tatambay sa mga gasolinahan para sa rollout ng P10/litrong fuel subsidy

92
0

MANILA, Philippines — Nagpaplanong magtalaga ng presensiya sa mga kalahok na gasolinahan ang Philippine National Police (PNP) habang sinisimulan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng P10 kada litrong diesel subsidy para sa public utility vehicles (PUVs), kasabay ng pangamba sa posibleng reklamo o tensiyon kaugnay ng rollout ng programa.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. na tutulong ang mga police unit at support unit sa paglalatag ng help desks sa mga kalahok na gasolinahan, una sa Metro Manila kung saan nagsimula ang subsidy noong Martes, Abril 14. Aniya, magsisilbi ang mga desk na ito bilang on-site na daanan ng mga reklamo at concern upang agad na matugunan ang mga problema at matiyak ang maayos na implementasyon ng programa.

Ayon kay Nartatez, inatasan ang mga yunit ng pulisya na makipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at sa Department of Energy (DOE) para sa naturang inisyatiba. Dagdag niya, layunin din ng presensiya ng pulisya na maiwasan ang anumang kaguluhan, panlilinlang, o fraudulent activities habang isinasagawa ang subsidy rollout.

“It is part of our mandate to ensure the safe, swift, and orderly implementation of subsidy programs and to prevent scams or fraudulent activities that may only burden our kababayan,” ani Nartatez.

Sinimulan ng DOE noong Abril 14 ang pagpapatupad ng P10 kada litrong diesel discount para sa mga PUV bilang bahagi ng subsidy program ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis. Unang ipinatupad ang programa sa National Capital Region, na sumasaklaw sa 52 accredited gas stations, kung saan 33 na ang nakapag-enroll habang ang iba ay nasa proseso pa ng registration.

Inaasahan namang palalawakin ang programa sa buong bansa upang masaklaw ang mas marami pang PUV at 14,000 gas stations.

Sa ilalim ng programa, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong PUV operator sa P10 kada litrong diskuwento sa diesel, na may lingguhang limit na 150 litro o katumbas ng maximum subsidy na P1,500. Ang hindi magagamit na subsidy ay hindi na maaaring mailipat sa susunod na linggo.

Batay sa inaprubahang guidelines, ikokonekta ang mga kalahok na gasolinahan sa Metro Manila, at kalaunan sa iba pang bahagi ng bansa, sa database ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng mobile app na naglalaman ng listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Nilinaw naman ng LTFRB na tanging mga PUV na may umiiral at balidong prangkisa lamang ang isasama sa database at papayagang makinabang sa 150-litro kada linggong limit para sa bawat unit.

Kapag nakumpirmang kabilang sa programa ang plaka ng sasakyan, awtomatikong maia-apply ang discount, kaya’t ang driver ay discounted price na lamang ang babayaran sa gasolinahan.

Ayon kay Nartatez, maaaring palakasin pa ang presensiya ng pulisya sakaling magkaroon ng glitches sa pagberipika ng mga benepisyaryo, upang maprotektahan ang mga tauhan ng gasolinahan at mapanatili ang kaayusan sa pagpapatupad ng programa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here