MANILA, Philippines — Mahigit 72,000 ordinance violators na ang nahuli sa buong National Capital Region mula pa noong Abril 6 sa ilalim ng “Safer Cities” campaign ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin na lumampas na sa 72,000 ang bilang ng mga violators hanggang Miyerkules, na may arawang average na 6,000 hanggang 7,000.
“As of this day, we already have 72,000 plus violators since April 6. The daily average is 6,000 to 7,000 violators,” ani Aberin sa isang interbyu.
Saklaw ng kampanya ang pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa gaya ng curfew sa mga menor de edad pagsapit ng alas-10 ng gabi, pagbabawal sa pag-inom sa pampublikong lugar, at restriksyon sa paglalakad nang walang pang-itaas at late-night videoke.
Ayon kay Aberin, inatasan ang mga pulis na pairalin ang malasakit, maingat na paghusga, at paggalang sa human rights, police operational procedures, at maximum tolerance sa pagpapatupad ng mga ordinansa.
“At the same time, let’s also observe human rights, observance of police operational procedures and maximum tolerance, and if we can give it, let’s just give a warning first,” aniya pa.
Naging sentro ng batikos ang kampanya matapos sitahin ang isang lalaki sa Mandaluyong City dahil nakahubad habang naghahalo ng semento sa labas ng kanyang bahay. Noong Miyerkules, personal na bumisita si Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa lalaki at humingi ng paumanhin, sabay sabing isang “mistake” ang insidente at dapat pairalin ang konsiderasyon sa mga nagtatrabaho sa labas ng kanilang bahay.
Iniulat din ng Philippine National Police na 7,708 ordinance violators ang naitala noong Martes, kung saan pinakamarami ang lumabag sa pagbabawal sa public drinking at smoking na umabot sa 2,125 kaso. Sinundan ito ng curfew violations na 438, shirtless roaming na 155, at late-night videoke na 32, habang 4,958 naman ang naitala sa iba pang paglabag.
“Most cases were resolved on-site, with 4,365 individuals warned and released, 3,213 fined, and 130 subjected to charges depending on the nature of the violation,” the PNP said.
Sa hanay ng mga police district, pinakamarami ang naitalang violators sa Southern Police District na may 1,996, sinundan ng Northern Police District na may 1,779, Quezon City Police District na may 1,678, Manila Police District na may 1,268, at Eastern Police District na may 987. Santi Celario