MANILA, Pilipinas — Dahil sa ipinakitang kahandaan at mabilis na aksyon ng lokal na pamahalaan, napiling unang paglunsaran ng rice subsidy program ng pamahalaan ang lungsod ng Maynila.
Personal na inilunsad ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang programang “Biyayang Bigas para sa Maynila” nitong Huwebes ng umaga sa SM City Manila, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Pangulo, naging pangunahing batayan sa pagpili sa Maynila ang kahandaan ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ni Vice Mayor Chi Atienza.
“Sino iyong handa, sino iyong ready? Maynila, puwede na raw bukas. Eh di iyon — punta na ako sa Maynila,” ani Marcos, na nagpapakita ng kumpiyansa sa kakayahan ng lokal na pamahalaan sa mabilis na implementasyon ng programa.
Sa ilalim ng nasabing programa, tinatayang nasa 80,000 residente ng lungsod ang makikinabang sa pamamahagi ng tig-10 kilong bigas kada benepisyaryo. Isasagawa ito sa loob ng anim na buwan bilang bahagi ng mas malawak na ayuda mula sa pambansang pamahalaan.
Nagmula ang pondo sa halos P15 bilyong inilaan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF), na direktang ipinagkaloob sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang distribusyon ng tulong.
Ipinaliwanag ng Pangulo na mas epektibo ang ganitong sistema dahil mas alam ng LGU kung sinu-sino ang tunay na nangangailangan sa kanilang nasasakupan.
“Kami ang nagbigay ng pondo sa LGU dahil sila ang nakakaalam kung sino ang nangangailangan,” ani Marcos.
Tiniyak din ng Pangulo na hindi magtatagal at susunod na rin ang iba pang mga lungsod at lalawigan sa buong bansa sa implementasyon ng programa.
Samantala, nagpasalamat naman si Mayor Isko Moreno sa pambansang pamahalaan, partikular sa Office of the President, Office of the Executive Secretary, at Department of Budget and Management, sa agarang pag-apruba ng pondo para sa mga Manilenyo.
“Umasa kayo, sisikapin po naming maige na maipamahagi ito sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Domagoso.
Itinuturing ang Maynila bilang pilot area ng programa, na magsisilbing modelo para sa mas malawak na rollout ng subsidized rice distribution sa buong bansa. JAY Reyes








