MANILA, Philippines – Naglabas ng Interpol red notice laban sa gambling tycoon na si Atong Ang, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Ang Interpol red notice ay kahilingan sa mga law enforcement agencies sa buong mundo na “locate and provisionally arrest a person pending extradition, surrender, or similar legal action.”
“It’s already been issued as of Monday,” ani Remulla sa isang text message sa Inquirer.
Ayon sa ulat, ang red notice ay hiniling ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Enero matapos maglabas ng warrant of arrest laban kay Ang at 20 pang akusado kaugnay ng pagkawala ng hindi bababa sa 34 na sabungero.
Bagaman sinabi ng Bureau of Immigration na wala umanong rekord na nakalabas ng bansa si Ang, iginiit ng CIDG na kinakailangan pa rin ang red notice sakaling subukan niyang makaalis ng bansa sa “back door” o ilegal na daan.
Ayon kay CIDG director Maj. Gen. Robert Alexander Morico, ang “back door” ay tumutukoy sa mga ilegal na exit points sa southern Philippines.
Sinabi rin ni Remulla na wala pang indikasyon na nakalabas ng bansa si Ang, at may impormasyon na nakita siya sa Calabarzon ilang linggo na ang nakalipas.
“We saw him somewhere in Calabarzon two weeks ago,” ayon sa kalihim, at may “credible informant” din na nagsabing nasa loob pa ng bansa ang negosyante, bagaman hindi niya isinapubliko ang lokasyon. RNT/MND