ISLAMABAD, Pakistan – Pinag-uusapan ng Estados Unidos at Iran ang posibleng ikalawang round ng peace talks sa Pakistan matapos mabigo ang unang negosasyon na layong tapusin ang digmaan sa Middle East, ayon sa mga opisyal ng US.
Sinabi ni White House Press Secretary Karoline Leavitt na “would very likely” sa Islamabad ang susunod na pag-uusap at umaasa ang US na magtagumpay ang kasunduan.
Ayon sa ulat, dumating sa Tehran ang delegasyon ng Pakistan bitbit ang bagong mensahe mula Washington matapos ipahiwatig ni US President Donald Trump na maaaring ipagpatuloy ang negosasyon ngayong linggo.
“Those discussions are being had,” ani Leavitt, at idinagdag na “we feel good about the prospects of a deal.”
Sinabi ni US Vice President JD Vance na iniaalok sa Iran ang isang “grand bargain” upang tapusin ang digmaan at resolbahin ang isyu sa nuclear program ng Tehran.
Ipinunto rin ng Israel na pareho sila ng US ng layunin na alisin ang enriched nuclear material ng Iran at pigilan ang enrichment capability nito.
Samantala, patuloy ang tensyon sa Strait of Hormuz kung saan iniulat ng US ang pagpapatupad ng naval blockade na umano’y pumipigil sa trade ng Iran, habang may ulat naman na patuloy pa rin ang ilang shipping activity.
Nagbabala rin ang IMF na posibleng humarap sa “tough times” ang pandaigdigang ekonomiya kung magpapatuloy ang mataas na presyo ng langis dahil sa giyera.
Kasabay nito, nagpalitan ng babala ang Iran at US hinggil sa posibleng pag-atake sa mga barko sa rehiyon kung hindi maaalis ang blockade.
Patuloy ding pinapatawan ng bagong sanctions ng US ang industriya ng langis ng Iran.
Giit ng Iran, ang kanilang nuclear program ay para sa civilian use lamang, habang iginiit ng US na dapat itong permanenteng ipagbawal sa paggawa ng nuclear weapons. RNT/MND