Home METRO 10 arestado sa ilegal na transport ng fuel sa Surigao del Norte

10 arestado sa ilegal na transport ng fuel sa Surigao del Norte

102
0

SURIGAO DEL NORTE, Philippines – Arestado ang 10 indibidwal, kabilang ang isang itinuturing na pangunahing suspek na si “Alias Intsik,” sa isang operasyon noong Lunes ng gabi, Abril 13, sa Panatao Port sa Barangay Panatao, Claver, Surigao del Norte.

Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Surigao del Norte Provincial Field Unit, katuwang ang Regional Maritime Unit 13, Maritime Law Enforcement Team, at Claver Municipal Police Station bilang bahagi ng Oplan Ligas laban sa ilegal na aktibidad.

Ayon kay Lt. Col. Darwin Dura, hepe ng CIDG sa Surigao del Norte, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng ilegal na produktong petrolyo, na posibleng mula sa isa sa mga isla ng lalawigan.

“I cannot yet disclose the origin of the illegal products as the investigation is still ongoing,” ani Dura, at sinabing isang linggo nilang minanmanan ang galaw ng pangunahing suspek bago isinagawa ang operasyon.

Ayon sa awtoridad, nahuli ang grupo habang iligal na nagta-transfer ng diesel mula sa isang motorized banca o “bote-bote” patungo sa tanker truck sa port, na walang kaukulang dokumento at nakatakdang ipamahagi sana sa mga gasolinahan.

Nakumpiska ng mga pulis ang 20 drum ng diesel, 30 empty drums, dalawang water pump, hose, motorized banca, at isang tanker truck na may kabuuang halagang tinatayang P5.62 milyon.

Binigyan ng kanilang mga karapatan ang mga suspek alinsunod sa Anti-Torture Law bago dinala sa CIDG office, at haharap sila sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865 na nagre-regulate sa handling ng petroleum products. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here