MANILA, Philippines – Tinututukan ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasampa ng administrative at criminal charges laban sa mga fixer at personnel na sangkot umano sa ilegal na pagbibigay ng lisensya at iba pang dokumento kapalit ng bayad.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na mananagot ang mga empleyadong mapatutunayang sangkot, at maaari silang matanggal sa trabaho bukod sa kasong ihahain laban sa kanila.
“Fixers will be dealt with to the full extent of the law,” ani Lacanilao.
Binigyang-diin din niya na dapat umiwas ang publiko sa mga fixer at dumaan sa tamang proseso sa pagkuha ng driver’s license at iba pang dokumento.
Ang pahayag ay kasunod ng entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang LTO satellite office sa Quezon City nitong Miyerkules, kung saan nagpakilalang kliyente ang isang ahente ng NBI na mag-a-upgrade ng lisensya.
Ayon sa NBI, inalok siya ng mga fixer ng agarang driver’s license kapalit ng ₱7,000 hanggang ₱8,000.
Kabuuang siyam na indibidwal ang naaresto—anim na sibilyan, dalawang LTO personnel, at isang kawani na konektado sa administrative office.
Natuklasan din ng imbestigasyon na minamarkahan ng mga fixer ang application forms gamit ang letrang “S” upang maiproseso ito ng kanilang mga kasabwat sa loob ng LTO.
Ayon pa sa NBI, posibleng organisado ang operasyon at maaaring sangkot din ang hepe ng satellite office. RNT/MND