LANAO DEL SUR, Philippines – Nasamsam ng mga operatiba ang tinatayang ₱3.4 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Purakan, Balabagan, Lanao del Sur noong Abril 15, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) BARMM – Regional Special Enforcement Team, katuwang ang Philippine National Police – Regional Drug Enforcement Unit, Balabagan Municipal Police Station, Regional Mobile Force Battalion 1402nd, 44th Special Action Company ng SAF, at 2nd Provincial Mobile Force Company.
Kinilala ang suspek na si alyas “Gary,” 54 anyos, high-value target at residente ng Calanogas, Lanao del Sur.
Batay sa ulat, matapos ang transaksyon ay umano’y nanlaban ang suspek, bumunot ng baril at nagpaputok sa mga operatiba kaya gumanti ang mga awtoridad. Tinamaan ang suspek at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nakumpiska sa operasyon ang limang knot-tied plastic cellophane na may tinatayang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.4 milyon.
Narekober din ang isang Taurus 9mm pistol na may magazine at 15 bala, cellphone, buy-bust money, at LTO ID na may pangalan ng suspek. DANNY QUERUBIN