MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱183.6 milyon na hinihinalang shabu na umano’y itinago sa mga lata ng tomato sauce sa isang buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.
Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, isinagawa ang operasyon sa isang bodega sa Barangay Bago Bantay matapos ang tip mula sa isang confidential informant.
“Nag-set up po tayo ng poseur buyer para sa isang kilo ng shabu,” ayon kay Lt. Marlon Sy.
Sinabi niya na ang droga ay “concealed in tin cans containing tomato sauce for their cover story.”
Nang makumpleto ang transaksyon, natuklasan ng suspek na peke ang pera na ginamit sa operasyon kaya tumakas ito.
“Upon the transaction, the buy-bust was consummated… So, the suspect ran,” dagdag ni Sy.
Kinilala ang suspek na isang 21-anyos na may alyas “Clever” at umano’y umuupa sa naturang bodega.
Aabot sa 27,000 gramo ng hinihinalang shabu ang narekober ng mga operatiba, habang patuloy ang hot pursuit operation para sa suspek.
Ayon pa sa PNP, posibleng may mas malaking sindikato sa likod ng insidente.
“It’s possible there is a larger figure at play here,” ani Sy.
Isinailalim na sa pagsusuri ng PNP Forensic Group ang mga nakuhang droga. RNT/MND