NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang napatay habang isa pa ang sugatan sa isinagawang operasyon ng search warrant sa Escalante City, Negros Occidental, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.
Ayon kay PNP Directorate for Operations acting director Police Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., ipinatutupad ang iba’t ibang search warrant laban sa isang high-value drug personality noong Miyerkules ng hapon nang mauwi ito sa engkuwentro.
“At ito nga ay nagresulta sa isang engkwentro. Namatay ang ating primary suspect because he resisted arrest. Despite the operation, siya ay lumaban sa ating kapulisan,” ani Peñones.
Dagdag niya, nagkaroon pa ng ikalawang engkuwentro bandang alas-7 ng gabi sa parehong barangay kung saan dalawa pang suspek ang nasawi.
“And during the follow-up operation at about 7 p.m., doon sa the same barangay, nagkaroon ulit ang pangalawang engkwentro kung saan nagresulta naman ito sa pagkamatay ng dalawang suspek,” dagdag niya.
May isa ring sugatang indibidwal na may kaugnayan sa ilegal na droga na kalaunan ay natagpuan sa isang ospital sa Sagay City.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakumpiska sa operasyon ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, cash na ₱10,000, at iba’t ibang armas kabilang ang M16A1 rifle at dalawang kalibre .45 pistola, kasama ang mga bala at magazine.
Sinabi ng PDEA na isinagawa ang tamang inventory at dokumentasyon ng mga nakuhang ebidensya sa presensya ng mga required witnesses, at dinala ang mga ito para sa laboratory examination. RNT/MND