MANILA, Philippines – Kinumpirma ng pulisya na ang lugar na binulabog ng bomba sa Baguio City ay isa umano’y illegal gambling den.
Nangyari ang pagsabog sa Magsaysay area noong Lunes, Abril 13 kung saan kalaunan ay nalaman ng mga awtoridad na ang mga gamit na natagpuan ay may kaugnayan sa larong “drop ball.”
Dahil dito ay inimbestigahan ng mga awtoridad ang report na ang lugar ay ginagamit para sa illegal gambling.
Samantala, naaresto naman ang 32-anyos na suspek mula sa Itogon, Benguet dahil sa pagsabog.
Nahaharap siya sa reklamong paglabag sa Safe Spaces Act, at inihahanda na rin ang karagdagang reklamo ng multiple frustrated murder at malicious mischief.
Nasa 14 katao ang nasaktan sa pagsabog kung saan ang tatlong biktima ay under observation pa rin sa ospital.
“So, vinalidate nga nila kasi may mga nakita nga doon na mga gambling tools, at doon nga nalaman na gambling den nga. Mag-iikot siya (City Director) at aalamin kung may mga remaining pa na mga gambling den dito sa Baguio,” pahayag ni Baguio City police spokesperson PMaj. Marcy Grace Marron. RNT/JGC