Home NATIONWIDE 2 lalaki mula Tajikistan inaresto sa Marawi

2 lalaki mula Tajikistan inaresto sa Marawi

103
0

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI), sa tulong ng pulisya, ang dalawang lalaking mula Tajikistan sa Marawi City alas-1 ng hapon noong Biyernes.

Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BAR), nahaharap sa deportasyon ang dalawang dayuhan.

Sinabi ni Salanguit na inaresto ang mga ito dahil sa umano’y kahina-hinalang aktibidad sa Marawi City na itinuring na banta sa kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad.

Batay sa mga kamakailang operasyon, madalas gamitin ng Bureau of Immigration ang mga mission order ngayong 2026 upang tugisin ang mga dayuhang sangkot sa iligal na gawain.

Kabilang sa mga paglabag ang overstay, pagtatrabaho nang walang kaukulang permit, at pakikilahok sa mga mapanlinlang na operasyon.

Pinamunuan umano ni BI agent Charles Oamil ang operasyon, katuwang ang Marawi City Police Office at ang Lanao del Sur Provincial Police Office.

Ipinatupad ang kautusan ng BI sa tinutuluyang boarding house ng mga suspek sa Barangay Lomidong, Marawi City.

Hindi na umano nanlaban ang dalawang dayuhan nang sila ay arestuhin.

Hindi pa isiniwalat ng mga awtoridad kung ano ang ginagawa ng mga ito sa Marawi City at kung mayroon silang sapat na dokumento sa paglalakbay.

Dinala ang dalawa sa tanggapan ng BI sa Zamboanga City sa parehong araw. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here