Home NATIONWIDE Pagbalik ng P73.3M disallowed funds ng OVP, ‘di makakapagpahinto sa impeachment vs...

Pagbalik ng P73.3M disallowed funds ng OVP, ‘di makakapagpahinto sa impeachment vs VP Sara – solon

99
0

MANILA, Philippines – Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, hindi makakaapekto sa impeachment proceedings ang posibleng pagbabalik ng halos ₱73.3 milyon na disallowed confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), kahit pa ibalik ito sa gobyerno.

Ito ay kaugnay ng utos ng Commission on Audit (COA) na ibalik ang naturang halaga matapos mapag-alamang walang sapat na dokumento para patunayan ang paggastos nito noong Disyembre 2022.

“Kahit maibalik pa ang ₱73 million sa kaban ng bayan, hindi nito pinapawalang-bisa ang Ombudsman proceedings at hindi rin nito naaapektuhan ang impeachment proceedings,” ayon kay Ridon.

Dagdag pa niya, hindi dapat paghiwalayin o pagbanggain ang mga proseso ng COA, Office of the Ombudsman, at House of Representatives dahil magkakaiba ang epekto at desisyon ng bawat isa.

“Malinaw na tutuloy ang mga ito nang magkakahiwalay at pagpapasyahan din nang magkakahiwalay,” aniya.

Batay sa ulat ng COA sa pagdinig noong Abril 14, tinanggihan ang apela ng OVP at pinanindigan ang disallowance ng ₱73.28 milyon na confidential funds na ginastos noong 2022, dahil sa kakulangan ng ebidensya at dokumento.

Ang halagang ito ay bahagi ng mas malaking isyu ng umano’y ₱612.5 milyong confidential funds na iniimbestigahan laban kay Vice President Sara Duterte.

Giit ni Ridon, magpapatuloy ang impeachment proceedings kahit ano pa ang mangyari sa isyu ng pagbabalik ng pera, at ang usapin ng maling paggamit ng pondo ay maaaring mauwi sa “betrayal of public trust,” isang impeachable offense. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here