Home NATIONWIDE Argumento ng China sa WPS, talo sa 2016 arbitral ruling – PCG

Argumento ng China sa WPS, talo sa 2016 arbitral ruling – PCG

106
0

MANILA, Philippines – Mariing tinanggihan ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) na si Rear Admiral Jay Tarriela ang pahayag ng Chinese Embassy tungkol sa usapin sa West Philippine Sea, at sinabing inuulit lamang ng China ang mga argumentong matagal nang pinawalang-saysay ng international law.

Ayon kay Tarriela, ang pahayag ng China na matagal na nilang inaangkin ang mga teritoryo sa South China Sea ay isang “legally bankrupt narrative” na tinalo na ng 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS, na aniya ay “final and binding.”

Tinuligsa rin niya ang pagtutol ng China sa lecture ng British author na si Bill Hayton, at sinabing ito ay “factual, evidence-based” at nakabatay sa primary sources kabilang ang Chinese government archives.

Ipinaliwanag din niya na ang “nine-dash line” at sinasabing “historic rights” ng China ay hindi matibay sa kasaysayan at batas, at nag-ugat umano sa maling mapa noong 1930s.

Dagdag pa ni Tarriela, ang pangalan ng mga lugar na ginagamit ng mga mangingisdang Tsino ay hindi patunay ng pagmamay-ari sa ilalim ng international law, dahil hindi ito batayan ng sovereignty.

Tinanggihan din niya ang paggamit ng China sa ilang legal scholar na aniya ay “selective reading” lamang at hindi makakabura sa desisyon ng arbitral tribunal.

Giit niya, ang tunay na isyu ay ang umano’y illegal occupation, militarisasyon, at mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea, kabilang ang paggamit ng water cannon, pagharang sa barko, at island-building.

Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay may karapatan sa Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal sa ilalim ng international law, at iginiit na ang 2016 arbitral ruling ay “not a suggestion—it is the law.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here