MOUNTAIN PROVINCE, Philippines – Nasagip ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong menor de edad na na-stranded habang nagha-hiking sa isang bundok sa Agkuyo, Barangay Samoki, Bontoc, Mountain Province.
Ayon sa ulat, nagtungo ang mga kabataan sa bundok para mag-trekking ngunit napunta sila sa isang matarik na bangin kung saan hindi na sila makalabas.
Isa sa kanila ang nakatawag sa police hotline kaya agad nagsagawa ng rescue operation ang Bontoc Municipal Police Station kasama ang mga criminology interns.
Gumamit ng rappelling ang mga rescuer upang marating ang mga kabataan sa bangin at matagumpay silang naiahon mula sa lugar.
Ayon sa PNP, walang malubhang nasugatan sa mga hikers.
Pinayuhan naman ng pulisya ang publiko, lalo na ang mahilig mag-hiking, na magplano nang maayos, magdala ng tamang kagamitan, at ipaalam sa pamilya o awtoridad ang kanilang pupuntahan upang maiwasan ang aksidente. RNT/MND