ZAMBALES, Philippines – Pansamantalang lilimitahan ang pangingisda sa ilang bahagi ng karagatan sa Subic Bay sa loob ng humigit-kumulang 11 araw simula Abril 20, dahil sa isinasagawang joint military exercises ng Pilipinas at US sa ilalim ng Balikatan Exercises.
Ayon sa Philippine Coast Guard, naabisuhan na ang mga mangingisda at iba pang sasakyang-dagat na mag-ingat dahil ipatutupad ang mahigpit na safety protocols habang isinasagawa ang maritime at air defense drills hanggang Abril 29.
Kabilang sa mga aktibidad ang multilateral maritime exercises, live-fire gunnery drills, at air at missile defense exercises na maaaring makaapekto sa mga sea lanes sa lugar.
Magkakaroon din ng hiwalay na maritime cooperative activity sa Abril 30 bilang pagtatapos ng mga pagsasanay sa Subic.
Kasabay nito, may iba pang military exercises sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang sa Sta. Ana, Cagayan; Itbayat, Batanes; at Tacloban.
Layunin ng Balikatan exercises na palakasin ang kakayahan ng depensa, koordinasyon, at maritime security ng Pilipinas at mga kaalyado nito.
Gayunpaman, muling tumutol ang grupong Pamalakaya, na nagsabing naaapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa grupo, hindi makatarungan na paghigpitan ang hanapbuhay ng mga mangingisda at nanawagan sila ng mas malinaw na paggamit ng pondo at prayoridad sa serbisyong panlipunan. RNT/MND