Home NATIONWIDE CBCP nanawagan ng panalangin para kay Pope Leo

CBCP nanawagan ng panalangin para kay Pope Leo

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katolikong Pilipino na magkaisa sa panalangin para kay Pope Leo XIV habang naghahanda ito sa operasyon sa baga.

Sa isang panawagan na inilabas nitong Lunes, hinimok din ni CBCP president at Lipa Archbishop Gilbert Garcera ang mga obispo at pari na mag-alay ng Misa para sa matagumpay na operasyon at lubos na paggaling ng Santo Papa.

“Let us pray that the Lord may guide his surgeons and all who care for him, sustain him with strength and peace, and restore him to health as he continues to shepherd the universal Church,” ani Garcera.

Sinabi ng Arsobispo sa mga mananampalataya na ipagkatiwala ang Santo Papa sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria.

“Our Lady, Health of the Sick, pray for Pope Leo XIV,” aniya.

Inanunsyo ni Pope Leo XIV nitong Linggo na sasailalim siya sa operasyon para sa bukol sa kanyang baga.

Isasagawa ang operasyon sa Gemelli hospital sa Roma, na madalas nang gumamot sa mga Santo Papa mula pa kay John Paul II.

Naglabas din ng pahayag ang United States Conference of Catholic Bishops mula sa presidente nito na si Archbishop Paul Coakley, na nagsasabing kaisa sa pagdarasal sa Papa.

Inanyayahan din ni Cardinal Blase Cupich, arsobispo ng Chicago, ang mga mananampalataya na samahan siya sa pagdarasal para sa mabilis at ganap na paggaling ng Santo Papa.

Nanawagan ang Argentina’s bishops’ conference sa mga Katoliko na sumali sa isang espesyal na panalangin para kay Leo, habang si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ay nagpaabot ng pagbating “successful surgery and a swift, full recovery” sa isang post sa X.

Ipinanganak bilang Robert Francis Prevost sa Chicago, Illinois, si Pope Leo XIV ang kauna-unahang Amerikanong ipinanganak na Santo Papa sa kasaysayan ng Simbahang Katolika.

Nahalal siya bilang pinuno ng 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo noong Mayo 8, 2025, at unti-unti niyang tinatakan ng kanyang estilo ang pamumuno sa Simbahan.

Wala pang impormasyon kung maaapektuhan ng operasyon at paggaling ang agenda ng Santo Papa para sa mga biyahe sa ibang bansa.

Susunod siyang nakatakdang pumunta sa Uruguay, Argentina, at Peru sa pagitan ng Nob. 6 at 17. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here