NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Aabot sa 653 residente ang napilitang lumikas matapos ang sagupaan sa pagitan ng mga sundalo ng 79th Infantry Battalion at mga natitirang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Linggo, Abril 19.
Ayon kay Toboso Mayor Richard Jaojoco, hindi pa tiyak ang bilang ng mga nasawi sa engkwentro.
“We are still awaiting official reports from both the Armed Forces of the Philippines and the New People’s Army,” ani Jaojoco sa panayam nitong 11 p.m. Linggo.
Dagdag pa niya, naghahanda na sana ang lokal na pulisya ng body bags ngunit wala pang kumpirmadong detalye ng casualties.
Nagsimula ang putukan bandang alas-4 ng madaling araw sa Sitio Sinugmawan, Barangay Salamanca, na nagresulta sa paglikas ng 168 pamilya o 653 indibidwal. Kasalukuyang nanunuluyan ang mga evacuee sa mga paaralan sa Barangay Salamanca at San Jose.
Ayon kay Brig. Gen. Ted Dumosmog ng 303rd Infantry Brigade, isang sundalo ang nagtamo ng minor na sugat sa kamay. Pinamunuan umano ng isang Arnel Tapang, alyas “Jhong,” “Nono,” at “Roger Fabillar,” ang mga rebelde.
Magkakaroon ng press briefing sa Lunes ng umaga para sa detalye ng insidente at operasyon.
Samantala, sinabi ng mga opisyal na patuloy pa rin ang operasyon ng paghahanap sa mga nakaligtas na rebelde, habang nananawagan si Mayor Jaojoco sa publiko na manatiling alerto at ipagdasal ang kapayapaan sa lugar. RNT/MND