MANILA, Philippines – Tumilapon sa tulay ang isang rider matapos mawalan ng kontrol ang minamanehong motorsiklo sa Pandacan, Maynila.
Namatay ang biktima ng kinilala sa alyas Andrew, binata, nasa hustong gulang at naninirahan sa Mahistrado Araullo St. Bacood, Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa report ng Pandacan Police, bandang 6:41 ng umaga nang mangyri ang aksidente sa nabanggit na lugar kung saan kitang kita pa sa CCTV ang paglipad ng rider mula sa tulay habang binabaybay ang kahabaan ng Beato Bridge, Pandacan.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng biktima ang kahabaan ng Beata Bridge, lulan ng kayang motorsiklo na Honda Click na kulay dark blue at may plate number na 352XHL nang bigla itong mawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo at sumalpok sa gutter.
Bunsod nito ay tumilapon ang biktima sa kanyang motorsiklo at napadpad sa San Miguel Brewery Warehouse, Barangay 866, Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa nagreport ng insidente, napansin niya na ang motorsiklo ng biktima ay nakataob sa kalsada habang umaandar pa ang makina at agad niya itong nilapitan at pagkatapos ay nakita niya ang biktima na nakahandusay sa pinangyarihan kaya naman agad itong ipinag-alam sa himpilan.
Agad namang rumesponde sa pinangyarihan lugar si PSSg Allanion Aquino, ng MDTEU Investigator, at inalam ang kaso.
Dagdag pa, dinala ang bangkay sa BVL funeral services para sa pansamantalang pag-iingat para sa autopsy. Jocelyn Tabangcura-Domenden