MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Commission on Higher Education (ChEd) sa Eastern Visayas na naghain ng aplikasyon para sa taas-tuition at iba pang fee increase ang ilang pribadong higher education institution sa rehiyon sa paparating na enrollment period.
Sa kabila nito, umapela si ChEd regional director Maximo Aljibe sa school administrators na ikonsidera muna ang pagpapaliban sa anumang planong pagtataas dahil sa kasalukuyang sitwasyon na nakakaapekto sa mga estudyante at mga pamilya.
“We have received several applications from higher education institutions for tuition fee increases. However, we are appealing to them, if possible, to defer it considering our current situation,” sinabi ni Aljibe sa panayam.
Hindi naman tinukoy ni Aljibe ang mga paaralan na naghain ng aplikasyon at sinabing ang mga proposal na ito ay under evaluation pa.
Masusi umanong susuriin ng CHED ang bawat request batay sa pagtugon sa mga requirement kabilang ang konsultasyon sa mga estudyante at iba pang stakeholder.
“We will study their proposals. They should meet certain criteria, such as conducting proper consultations with students and other stakeholders,” dagdag pa.
Bagamat kinikilala ang pangangailangan ng mga pribadong paaralan para mag-adjust ng kanilang mga bayarin para sa operational costs, kabilang ang sahod ng mga guro at staff, sinabi naman ni Aljibe na ang pagtataas ay dapat na resonable.
Samantala, tinukoy naman ni Aljibe ang desisyon ng isang pribadong unibersidad sa Cebu City na ipinagpaliban muna ang planong taas-tuition dahil sa hirap sa ekonomiya. RNT/JGC