MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng 30 araw ang operasyon ng UV Express na bumagsak sa isang konkretong poste sa Cubao, Quezon City.
Hindi bababa sa 21 pasahero ang nasugatan habang isa pa ang namatay dahil sa insidente at nais ni LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II nang malinaw na paliwanag sa lahat ng mga pangyayari na nagdulot ng banggaan sa kalsada dahil naging viral din sa social media ang insidente.
“Gusto naming malaman kung ito ay may kinalaman sa road worthiness ng motor vehicle o kung may kasalanan ang driver. Malalaman namin sa takbo ng imbestigasyon,” ani Chairman Vigor.
Batay sa police report na nakuha ng LTFRB, nangyari ang banggaan sa kalsada sa kanto ng P. Tuazon at 15th Avenue sa Cubao na kinasangkutan ng isang UV Express sa ilalim ng Metro Comet Transport Service Cooperative.
Kaygnay nito, naglabas na ng show cause order (SCO) sa transport cooperative na nag-atas dito na ipaliwanag sa pamamagitan ng sulat kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang prangkisa nito dahil sa insidente.
Samantala, inatasan din ang operator na ipaalam sa driver nitong sangkot na gawin ito bilang bahagi ng imbestigasyon sa posibleng kaso ng reckless driving.
Inatasan din ang operator na isumite ang lahat ng maintenance records ng mga sangkot na sasakyan at isailalim ang driver sa drug test at road safety seminar alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada.
Ang pagdinig para sa kaso ay sa Mayo 6 at sinabi ni Chairman Vigor na ang hindi pagsunod sa utos ng SCO ay maaaring magresulta sa P5,000 na multa at isang desisyon batay sa mga piraso ng ebidensya na kasalukuyang mayroon ang LTFRB. Santi Celario