Home METRO 12-anyos patay matapos madamay sa police shootout

12-anyos patay matapos madamay sa police shootout

107
0

GENERAL SANTOS CITY — Patay ang isang 12-anyos na babae matapos tamaan ng bala sa gitna ng operasyon ng pulisya laban sa isang suspek na umano’y nagpaputok ng baril sa General Santos City.

Sa isang video, makikita ang mga pulis na nagkukubli sa gilid ng bahay habang armado noong operasyon noong Sabado ng umaga. Naririnig din ang pakiusap ng mga residente na may mga bata sa lugar.

Gayunman, nagpatuloy pa rin ang putukan hanggang sa mapuruhan ang suspek. Natagpuan ang bangkay ng 42-anyos na lalaki sa damuhan.

Rumesponde ang pulisya matapos ang ulat na nagpaputok umano ng baril ang suspek bago tumakas.

Natagpuan naman sa loob ng bahay ang 12-anyos na biktima, duguan at may tama ng bala. Ayon sa lola nito, tinamaan sa ulo ang bata at tumagos sa leeg.

Ayon sa pamilya, niyakap umano ng bata ang ibang mas batang kasama niya upang protektahan sila sa ilalim ng higaan. Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.

Sinasabing mula sa baril ng suspek ang bala na tumama sa bata.

Kinuwestiyon ng pamilya ang operasyon ng pulisya at iginiit na nagpatuloy pa rin ang pagtugis at pagpapaputok kahit sinabihan na may mga bata sa lugar. Humihingi sila ng hustisya.

Giit naman ng pulisya, ginawa nila ang kinakailangan para sa kaligtasan ng publiko, ngunit magsasagawa ng imbestigasyon at rerebisahin ang kanilang mga protocol sa katulad na insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here