Home METRO 4 Tsino arestado sa pagkulong sa Pinay sa Pasay

4 Tsino arestado sa pagkulong sa Pinay sa Pasay

116
0

MANILA, Philippines – Apat na Chinese national ang nadakip ng mga rumespondeng tauhan ng Pasay City Police Substation 1 habang nareskyu naman ang kasambahay ng mga suspek sa kasong illegal detention noong Lunes ng tanghali, Abril 20.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito de Sesto ang mga nadakip na suspek na sina alyas Wang, 28; alyas Xiaomei, 43; alyas Dehzi, 41; at isang alyas Gaoping, 36, pawang mga Chinese national at pansamantalang nanunuluyan sa Room 26H, City View Gardens Building, F.B. Harrison, Barangay 13, Pasay City.

Base sa report na isinumite ni De Sesto kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/Maj. Gen. Anthony A. Aberin, naganap ang pagdakip sa mga suspek bandang alas-12:15 ng tanghali sa nasabing unit.

Sinabi ni De Sesto na batay sa sinumpaang salaysay ng biktimang si alyas Merygen, 43, nagsimula siyang magtrabaho bilang kasambahay ng mga suspek noon pang Nobyembre 2023 nang ang mga suspek ay nakatira pa sa Naic, Cavite.

Ayon sa biktima, nagsimula ang kanyang problema nang lumipat ng tirahan ang mga suspek sa nasabing unit nitong nakaraang Enero 23, 2026 kung saan nagbago na ang pakikitungo ng mga ito sa kanya.

Dagdag pa ng biktima na hindi na rin umano siya pinalalabas ng bahay gayundin ang kanyang suweldo ay hindi na rin ibinibigay sa kanya.

Inilahad pa ng biktima na nitong nakaraang Abril 13 ay nakaranas siya ng pisikal na pananakit mula sa mga suspek kung saan nang mga oras na iyon ay lango sa alak ang mga ito.

Sinabi ng biktima na nakakuha lamang siya ng pagkakataong makahingi ng tulong nitong Lunes nang magpadeliver ng pagkain ang mga suspek at kinausap niya ang delivery rider na nagdala ng pagkain na siya namang nagparating ng mensahe ng biktima sa kapulisan.

Matapos makumpirma ang impormasyon mula sa delivery rider ay agad na nagtungo ang mga tauhan ng Substation 1 CCP Complex, Pasay City Police sa lugar kung saan agad na inaresto ang mga suspek kasabay ng pagsagip sa biktima.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 267 (Illegal Detention) sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here