MANILA, Philippines – Maling interpretasyon ang kumakalat sa social media kaugnay ng umano’y kawalan ng batayan para sa wage hike sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ito ang nilinaw ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), kung saan sinabi na ang kapangyarihang magtakda ng minimum wage adjustment ay nasa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards o RTWPBs alinsunod sa Republic Act No. 6727 o Wage Rationalization Act, batay sa pagsusuri ng kalagayang sosyo-ekonomiko sa bawat rehiyon.
Ipinunto ng komisyon na tuloy ang implementasyon ng wage adjustments sa iba’t ibang rehiyon bilang bahagi ng 2025-2026 wage determination cycle, kung saan may mga ipinatutupad at nakatakdang dagdag-sahod mula Abril hanggang Setyembre ngayong taon.
Sinabi rin ng NWPC na ang staggered o paunti-unting pagpapatupad ng wage increase ay layong balansehin ang kapakanan ng manggagawa at kakayahan ng mga negosyo upang mapanatili ang trabaho at paglago ng ekonomiya.
Inaasahan namang simulan ang susunod na wage review cycle para sa 2026-2027, kung saan inaasahang magsisimula ang pagsusuri sa National Capital Region sa kalagitnaan ng Mayo.
Binigyang-diin ng NWPC na ang wage adjustments ay ibinabatay sa inflation, cost of living, employment, productivity at kakayahang magbayad ng mga employer.
Payo sa publiko, dapat maging mapanuri sa mga napapanood na edited videos at social media posts at umasa sa kumpleto at beripikadong impormasyon mula sa opisyal na mga sanggunian. Jocelyn Tabangcura-Domenden