MANILA, Philippines – Iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian noong Miyerkules, Oktubre 21, na walang pagdoble ng benepisyo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Pahayag ito ni Gatchalian sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng ahensya, kasunod ng findings ng Commission on Audit (COA) noong 2025 tungkol sa ₱397.45 milyon na posibleng duplicate at overlapping payments sa AICS, kabilang ang mga benepisyaryo ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ayon kay Gatchalian, ang ilang kasong na-flag ng COA ay hindi pagdoble ng benepisyo kundi pagtanggap ng magkaibang uri ng tulong, gaya ng medical assistance na sinundan ng burial assistance matapos pumanaw ang isang kapamilya.
“Ma’am, as mentioned a while ago, in-explain namin sa COA na hindi duplicate yan kundi katulad nung dati, let’s say lumapit sa amin medical, namatay ho, naging burial. They counted that as a duplicate, but we’re telling them sa aming guidelines, pwede yun kasi magkaibang service yung in-avail nila,” sabi ni Gatchalian.
Ipinaliwanag niyang maaaring makatanggap ng tulong mula sa AKAP ang isang low-income beneficiary at maging kuwalipikado rin sa AICS kung makaranas ng biglaang krisis. Pinapayagan ito ng mga patakaran basta magkaiba ang serbisyong natanggap.
“Una, sabi nila ay maaaring doble ang halaga, dahil sinabing nakakuha ng AKAP sa oras na iyon ngunit nakakuha ng AICS. Ngunit ipinaliwanag namin sa mga alituntunin, hangga’t hindi ito ang parehong bagay na kanilang nakuha, dapat itong payagan sa aming mga alituntunin,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang papel ng mga social worker ng DSWD sa pagsusuri kung kuwalipikado ang mga aplikante batay sa kanilang pangangailangan at kalagayan.
“Ang ating mga social worker ay mga lisensiyadong propesyonal, at sa marami sa kanila ay na-regularize pa, sana, alam natin na kaya nila ang mga pressures. Unlike other departments, I don’t want to draw parallelism, pero unlike the other grants being given by other departments, we kasi may gatekeeper, the social worker. Sila ay nagde-determine, kung hindi ba qualified,” diin ni Gatchalian. SANTI CELARIO