MANILA, Philippines – Isiniwalat sa Sandiganbayan na ang P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan ay isinama sa 2025 General Appropriations Act bilang proyektong iniuugnay kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr..
Ayon kay Engr. Peter Cortez ng DPWH Central Office, ang proyekto ay bahagi ng “errata” na isinumite ng Department of Public Works and Highways sa House of Representatives noong Setyembre 2024.
Sinabi niya na si dating DPWH Undersecretary Cathy Cabral ang nagbigay ng utos kung paano ilalagay ang pangalan ni Revilla bilang proponent ng proyekto.
“Usec Cabral is the only one na nag-iinstruct sa amin,” ani Cortez, at iginiit na may verbal instruction umano ito para ilagay ang pangalan ni Revilla sa database.
“I am sure, Sir. May instruction po ‘yun,” dagdag niya sa korte.
Ipinaliwanag din niya na pinapayagan ang pag-aayos o “errata” bago maaprubahan ang national budget sa ikatlong pagbasa, at ang naturang budget amendment ay nilagdaan nina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Ayon sa kanya, kalaunan ay inaprubahan ng House ang budget amendment na naglalaman ng proyekto sa Pandi, Bulacan, at naisama ito sa 2025 national budget na naging batas.
Si Cabral ay natagpuang patay sa Benguet noong Disyembre 2025 habang may imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects ng gobyerno. RNT/MND