Home HOME BANNER STORY Ilang abogado nagsumite ng petisyon sa SC laban sa impeachment hearing ng...

Ilang abogado nagsumite ng petisyon sa SC laban sa impeachment hearing ng Kamara kay VP Sara

118
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Nagsampa ang ilang mga abogado ng petisyon sa Korte Suprema laban sa mga hakbang ng Kamara kaugnay ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa mga petitioners sina Atty. Hue Jyro Go, Micah Lorelle De Guzman, at Jake Leoncini, habang ang mga respondent ay ang House of Representatives at ang House Committee on Justice.

Sa kanilang 34-pahinang petisyon, hinihiling ng mga petitioners na ipawalang-bisa at pigilan ang mga hakbang ng mga respondent sa pag-aksyon sa impeachment complaints.

Hiniling din nila ang pagbabawal sa karagdagang pagproseso, partikular sa pagtukoy ng sapat na basehan ng reklamo, pati na rin ang pagpigil sa pag-isyu at pagpapatupad ng mga subpoena matapos ideklara ng Komite na ang mga reklamo ay sapat sa porma at nilalaman.

Ayon sa petisyon, ang mga respondent ay umano’y nagkaroon ng matinding pang-aabuso sa kapangyarihan na nagresulta sa kawalan o labis na hurisdiksyon sa pamamagitan ng paglabag sa mga limitasyon ng Konstitusyon at proseso ng impeachment.

Sa isang opisyal na pahayag noong Abril 20, nilinaw ng RRV Legal Consultancy Firm at Go & De Guzman Law Offices (GD Law) na ang petisyon ay hindi naglalayong protektahan ang sinumang opisyal mula sa pananagutan, kundi layuning pangalagaan ang integridad ng impeachment process.

“Ang pananagutan ay dapat laging umiiral sa loob ng hangganan ng Konstitusyon. Humihiling kami sa Korte Suprema na manghimasok, pigilan ang mga labag sa Konstitusyon na hakbang, ipawalang-bisa ang mga depektibong proseso, at pagtibayin ang limitasyon ng kapangyarihan ng House sa impeachment,” ayon sa pahayag.

“Ang Konstitusyon ay dapat manatiling pinakamataas—kahit sa paggamit ng kapangyarihang politikal,” dagdag nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here