Home TOP STORIES Mas malawak na proteksyon sa obrero, maliliit na negosyante sa krisis sa...

Mas malawak na proteksyon sa obrero, maliliit na negosyante sa krisis sa enerhiya, isinusulong sa RELIEF Act

70
0
Inihain ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 2032 o ang RELIEF Act upang magbigay ng proteksyon sa mga manggagawa at MSMEs na apektado ng energy crisis. Layunin ng panukalang ito na magkaloob ng palugit sa pagbabayad ng renta at utang, at flexible tax deadlines, para maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin at langis.

MANILA, Philippines – Inihain ni Senador Mark A. Villar ang Senate Bill No. 2032, o ang “Relief and Recovery Interventions for Low-Income Earners, Minimum Wage Earners, Self-Earning Individuals, and Micro, Small, and Medium Enterprises (RELIEF) Act,” upang tulungan ang mga Pilipino na makabangon mula sa pagtaas ng presyo ng langis at ang epekto nito sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maaaring madagdagan ng hanggang 3.1 milyong Pilipino ang malulubog sa kahirapan dahil sa krisis sa enerhiya, habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo dulot ng pagmahal ng krudo. Nagbabala rin ang mga grupo ng mga negosyante na posibleng higit na maapektuhan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) kung magpapatuloy ang mataas na presyo ng langis.

Layunin ng panukalang batas na magbigay lingap sa batayang sektor ng ating lipunan, kabilang ang mga low-income households, minimum wage earners, self-earning individuals, at MSMEs.

“Ramdam natin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ngunit mas mabigat ang epekto nito sa mga kumikita ng minimum wage, sa ating mga self-earning na kababayan, at sa maliliit na negosyo. Kailangan nating tiyakin na may sapat silang proteksyon at suporta,” ani Villar.

Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagbibigay ng grace period o extension sa pagbabayad ng renta at utang, loan restructuring na walang karagdagang multa o bayarin, mas mahabang mga deadlines sa pagbabayad ng buwis at pagsusumite ng mga dokumento, at mas pinalawak na access sa credit assistance.

Binigyang-diin ng senador ang agarang pangangailangan para sa naturang panukala, at iginiit na kinakailangan ang mabilis at konkretong hakbang upang matulungan ang mga pinakaapektadong sektor.

“Sa panahon ng krisis, mahalaga ang mabilis at konkretong aksyon. Kailangan nating maglatag ng matibay na social safety net na makakatulong sa ating mga kababayan—hindi lamang ngayon, kundi pati sa mga susunod pang mga krisis o hamon,” dagdag ni Villar.

“Layunin nating tulungan ang ating mga kababayan at maliliit na negosyo na makabangon at makasabay sa gitna ng tumataas na presyo at krisis sa enerhiya, hindi natin sila iiwan o pababayaan” pagtatapos niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here