MANILA, Philippines – Inaasahang makararanas ng peligrosong damang-init o heat index ang hindi bababa sa tatlong lugar ngayong Biyernes, Abril 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration.
Batay sa alas-5 ng hapon na forecast ng PAGASA noong Abril 23, inaasahang pinakamataas ang heat index sa Cotabato City sa 44ºC. Ito ang ikatlong sunod na araw na nasa danger category ang lungsod matapos makapagtala ng 42ºC noong Miyerkules at 44ºC noong Huwebes.
Aabot din sa danger level na 42ºC ang Sangley Point at Butuan.
Itinuturing ng PAGASA na “danger” ang heat index na mula 42ºC hanggang 51ºC dahil sa mataas na panganib ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring humantong sa heat stroke.
Samantala, ilang lugar din ang makakaranas ng “extreme caution” na heat index mula 33ºC hanggang 41ºC, kabilang ang Pasay sa 39ºC, Quezon City sa 37ºC, Iloilo City sa 41ºC, Davao City sa 40ºC, at General Santos City sa 40ºC. Santi Celario