MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 31-anyos na construction worker matapos mahatak papasok sa isang cement mixer sa Bindoy, Negros Oriental habang nasa gitna ng concreting project ng kanyang kompanya, ayon sa pulisya nitong Abril 21, 2025 sa Barangay Batangan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na sinusuri umano ng biktima ang cement mixer nang sumabit ang kanyang kasuotan sa makina. Sa oras na iyon, umaandar at mabilis ang ikot ng makina kaya siya ay nahila papasok dito.
Ayon sa mga rumespondeng awtoridad, nahirapan silang kunin ang katawan ng biktima dahil sa pagkakaipit nito sa loob ng makina.
Matapos maialis, isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari, kabilang kung may posibleng foul play o sinadyang insidente. Mary Anne Sapico