MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Pope Leo noong Huwebes ang pagpatay sa mga nagpoprotesta sa Iran at muling pinagtibay ang kanyang paninindigan laban sa digmaan, kasunod ng kritisismo mula kay U.S. President Donald Trump kaugnay ng kanyang mga naunang pahayag tungkol sa kaguluhan sa Iran.
Sa kanyang pagbabalik sa Roma sakay ng papal flight matapos ang pagbisita sa apat na bansa sa Africa, kinondena rin ng unang Amerikanong Papa ang pagkamatay ng mga sibilyan sa nagpapatuloy na digmaan at ang pagbagsak ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng U.S. at Iran.
“I condemn all actions that are unjust. I condemn the taking of people’s lives,” pahayag ng Papa nang tanungin tungkol sa ulat ng malawakang pagpatay sa mga protester sa Iran. “When a regime, when a country takes decisions which takes away the lives of other people unjustly, then obviously that is something that should be condemned,” dagdag niya.
Hindi binanggit ni Leo si Trump sa kanyang pahayag, ngunit muling iginiit ang kanyang pagtutol sa digmaan.
“As a pastor, I cannot be in favor of war,” aniya, at idinagdag na may dala siyang larawan ng isang batang nasawi sa Israeli strikes laban sa Hezbollah sa Lebanon. “We have seen so many innocents killed,” pahayag pa niya.
Inilarawan din niya ang sitwasyon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos bilang magulo at walang katiyakan. “One day Iran says yes, the United States says no and vice versa. We don’t know where it will go,” aniya, sabay babala sa patuloy na pagdurusa ng mga sibilyan.
Nauna nang binatikos ni Trump ang Papa at tinawag itong “terrible” matapos ang mga kritikal na pahayag nito laban sa digmaan sa Iran at sa patakaran ng imigrasyon ng Estados Unidos. Hinimok din ni Trump ang Papa na tugunan ang mga ulat ng pagpatay sa mga nagpoprotesta sa Iran.
Tugon din ni Pope Leo sa mga tanong tungkol sa kanyang pagbisita sa mga bansang may matagal nang mga awtoritaryong lider sa Africa, kabilang ang Equatorial Guinea at Cameroon, iginiit niya na nagpapanatili ang Vatican ng diplomatikong ugnayan kahit sa ganitong mga pamahalaan at patuloy na nagsasagawa ng “behind the scenes” na trabaho upang itaguyod ang katarungan.