MANILA, Philippines – Itinakdang tumestigo si dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo, na state witness, sa bail hearing ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at lima pa nitong mga co-accused kaugnay ng kasong malversation na may kinalaman sa umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan ngayong Abril 24.
Naging posible ito matapos ideklara ni Dr. Warlin Basuel, resident physician ng anti-graft court, na si Bernardo ay “clinically stable.”
Sa pagdinig, tinanong ng mga mahistrado ng Sandiganbayan Third Division ang prosecution panel kung maaaring tumestigo si Bernardo bandang alas-2 ng hapon ng nasabing araw. Sumagot ang prosekusyon ng, “Yes, your honor.”
Orihinal na nakatakda sanang tumestigo si Bernardo noong Abril 23 ngunit hindi ito natuloy matapos siyang maospital dahil sa bronchitis at iba pang kaugnay na karamdaman.
Ang kaso ay kaugnay ng umano’y hindi umiiral na flood control project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon, na bahagi ng kasong graft at malversation laban kay Revilla at sa kanyang mga co-accused. Santi Celario