MANILA, Philippines – Biyaheng Japan ang First Couple na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Marcos para sa state visit mula May 26 hanggang 29, 2026.
Ang pagpunta ng First Couple sa Japan ay tugon sa imbitasyon ng Japanese government sa kanila.
Sa nasabing State Visit, malugod na tatanggapin sina Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza ng Kanilang Kamahalan Emperor at Empress ng Japan sa Imperial Palace para sa isang welcome ceremony, state call at state banquet.
Magdaraos naman ang Pangulo ng summit meeting kasama si Prime Minister Takaichi Sanae, kung saan inaasahan na pag-uusapan ng dalawang lider ang ‘future trajectory’ ng Philippines-Japan Strengthened Strategic Partnership at ipagpapatuloy ang kanilang kamakailan lamang na talakayan ukol sa kasalukuyang international developments, lalo na may kaugnay sa enerhiya, at food security, at maritime security.
Nakatakda naman makapulong ni Pangulong Marcos ang Japanese business groups at mga miyembro ng Filipino community, bilang bahagi ng kanyang official engagements sa panahon ng kanyang State Visit.
Matatandaang ang huling State Visit sa Japan ng Philippine President ay isinagawa ni dating President Benigno S. Aquino III noong June 2015, habang ang Kanilang Kamahalan na sina Emperor Emeritus Akihito at Empress Emerita Michiko ay nagsagawa naman ng State Visit sa Pilipinas noong January 2016.
Samantala, kapuwa naman gugunitain ng Pilipinas at Japan ang 70th anniversary ng normalisasyon ng kanilang diplomatic relations ngayong taon. (Kris Jose)