MANILA, Philippines — Nanatiling nasa ilalim ng hurisdiksyon ng mga awtoridad sa Czech Republic si dating kongresista Zaldy Co, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes.
“Zaldy Co was the subject of official law enforcement action by Czech authorities,” sinabi ni DOJ Spokesperson Polo Martinez sa isang ulat.
Una nang iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naaresto si Co sa Czech Republic dahil sa umano’y paglabag sa immigration laws.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, ipatutupad ng DOJ ang United Nations Convention Against Corruption upang mapadali ang pagbabalik ni Co sa Pilipinas.
Nagbitiw si Co sa Kamara noong Setyembre matapos masangkot sa umano’y flood control corruption scandal. Kalaunan ay nagtago siya at naglabas ng mga video kung saan inaakusahan niya si Pangulong Marcos bilang umano’y utak ng korapsyon.
Mariing itinatanggi ni Pangulong Marcos ang anumang kaugnayan sa kontrobersiya at iginiit na siya pa ang naglantad ng isyu sa isang pambansang talumpati. RNT