Home HOME BANNER STORY State witness kumanta: Nakakakuha ng P1M pasasalamat mula sa kontratista kada proyekto

State witness kumanta: Nakakakuha ng P1M pasasalamat mula sa kontratista kada proyekto

91
0

MANILA, Philippines – Inamin ng state witness at dating Department of Public Works and Highways-National Capital Region Regional Director Gerard Opulencia na nakakatanggap siya ng P1 milyon bilang pasasalamat o token gift mula sa mga kontratista sa bawat proyekto ng pamahalaan na naipatutupad bilang district engineer ng North Manila.

Ang pagbubunyag na ito ni Opulecia ay kasabay ng pagtestigo niya sa Sandiganbayan Third Division bail hearing ni dating Senator Ramon Bong Revilla Jr. at lima iba pang akusado ng malversation kaugnay sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.

“May natatanggap po ako na pasasalamat from contractors kapag maayos naman po ang mga proyekto,” sagot ni Opulencia nang tanungin ni Sandiganbayan Associate Justice Ronald Moreno kung nakatanggap siya ng pera mula sa mga contractor sa panahon niya bilang district engineer.

“P1 million po,” sagot ni Opulencia nang tanungin naman kung magkano ang pinakamalaking “pasasalamat” na natanggap niya.

Sinabi rin ni Opulencia na bilang NCR Regional Director, inaatasan niya ang apat na district engineer na kolektahin ang commitment fee para sa paghahatid sa ilang recipients, kabilang ang mga proponent o public official, sa utos na rin ng kasama niyang state witness din na si ex-DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.

Sa kabila nito, sinabi ni Opulencia na hindi niya alam kung paano kinokolekta ng mga district engineer ang commitment fee mula sa mga contractor.

“Hindi ko po alam. I don’t have personal knowledge,” ani Opulencia.

Dahil dito ay sinabi ni Sandiganbayan Third Division chairperson at Associate Justice Karl Miranda, na “I cannot believe you.”

“Iinutos mo tapos di mo alam paano kukunin? Pinaglololoko mo ba kami? This is a public hearing. You were given immunity from suit. You should tell the whole truth,” ayon kay Miranda.

Nanindigan si Opulencia na hindi niya alam kung paano kinokolekta ang commitment fee.

Dahil dito ay nagtapos si Miranda sa pagpapalutang ng ideya kung karapat-dapat ba talaga si Opulencia ng immunity mula sa reklamo.

“Nag-iisip ako if you truly deserve it,” dagdag ni Miranda. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here