MANILA, Philippines – LABIS nang nagtataka ang Malakanyang sa patuloy na paninisi ni Vice-President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng mga nangyayari at kasalanan sa mundo at nangyayari sa kanya (VP Sara).
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa bintang ni VP Sara na ang makinarya umano ni Pangulong Marcos ang nasa likod ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nagbunyag ng bilyon-bilyong pisong bank transaction at joint account ng pangalawang pangulo at dating Pangulong Rodrigo Duterte
Ani Castro, walang aasahang magandang salitang manggagaling kay VP Sara dahil lahat ng kasalanan sa mundo ay isinisi niya sa Pangulo.
Pati aniya ang extrajudicial killings na ginawa ng dating Presidente ay isinisi kay Pangulong Marcos.
“Lahat na lang ng kasalanan sa mundo ay isinisi niya sa Pangulo, pati na EJK,” ang winika ni Castro.
Aniya, walang kinalaman ang Presidente sa mga transaksiyon ni VP Sara dahil nagsimulang mapansin ito ng Anti-Money Laundering Council noong alkalde pa ito ng Davao City at hindi pa Presidente si Pangulong Marcos.
Nakapagtataka aniya kung bakit ang Presidente ang sinisisi ni VP sa mga nangyayari sa kanya ngayon sa halip na humarap sa pagdinig ng Kamara at sagutin ang mga bintang sa kanya ni Trillanes. KRIS JOSE