MANILA, Philippines — Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang pulis at drayber ng isang PNP-marked pickup truck na nasangkot sa viral na insidente sa kalsada.
Naglabas ang LTO ng show cause order (SCO) matapos mahuling may kargang dalawang kariton ang sasakyan na lampas sa sukat nito, na itinuturing na delikado sa publiko. Napag-alaman din na walang plaka ang naturang sasakyan.
Inatasan ang pulis at drayber na dumalo sa pagdinig sa Abril 29 at magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang lisensya ng drayber.
Kasabay nito, ipinataw ng LTO ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng drayber at inutusan itong isuko agad sa ahensya.
Babala ng LTO, kung hindi sila sisipot o magsusumite ng paliwanag, ituturing itong pagwawaksi sa kanilang karapatan na marinig sa imbestigasyon.
Iginiit naman ni LTO chief Markus Lacanilao na walang sinuman ang exempted sa batas.
“Sinumang lalabag sa batas-trapiko at maglalagay sa peligro sa publiko ay mananagot,” aniya. RNT/JGC