MANILA, Philippines – Sinabi ng Malacañang na “definitely confident” ang pamahalaan na maibabalik sa Pilipinas si dating kongresista Zaldy Co, ngunit nakadepende pa rin ang mga susunod na hakbang sa koordinasyon sa Czech Republic.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, “Kung Pilipinas lamang po ang pag-uusapan natin, definitely confident po tayo.”
Dagdag niya, “Since mayroon pong ibang bansa na involve dito, so let us just hope na maibalik agad si Zaldy Co dito sa ating bansa.”
Sinabi rin ni Castro na ang magiging aksyon ng gobyerno ay nakabatay sa anumang mapagkakasunduan sa Czech Republic tungkol sa proseso ng kanyang pagbabalik.
“Depende po—ang magiging aksiyon ng ating bansa, depende po sa anumang mapagkakasunduan with Czech Republic at kung ano ang magiging paraan sa pagpapabalik kay Zaldy Co,” dagdag niya.
Ayon sa ulat, si Justice Secretary Fredderick Vida ay nakatakdang pumunta sa Czech Republic upang pag-aralan ang mga legal na hakbang para maiuwi si Co.
Si Co ay kasalukuyang nasa kustodiya matapos maharang sa hangganan ng Germany mula sa Czech Republic. Kabilang siya sa mga kinasuhan ng graft at malversation kaugnay ng umano’y flood control anomalies sa DPWH Region IV-B. RNT/MND