Home NATIONWIDE ‘Di premature: Anunsyo ni PBBM sa pagkaaresto ni Zaldy, muling pinagtanggol ng...

‘Di premature: Anunsyo ni PBBM sa pagkaaresto ni Zaldy, muling pinagtanggol ng Malakanyang

98
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malacañang na walang premature sa naging anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na diumano’y nahuli sa Prague.

Si Zaldy Co ay nauna nang napaulat na hinuli ng mga awtoridad ng Czech Republic.

Inurirat kasi ng mga mamamahayag si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro hinggil sa diumano’y unverified information ni Pangulong Marcos ukol sa kalagayan ni Co.

“Ano ba ang inanunsyo ng Pangulo? Hindi ba ang inanunsyo ng Pangulo na, unang-una, ay nahuli si Zaldy Co, totoo naman… nasa kustodiya ng Czech Republic, totoo naman… ang sabi ng Pangulo nakikipag-coordinate tayo sa Czech Republic, totoo naman. So anong premature doon? Walang premature doon,” ayon kay Castro.

Nauna rito, napaulat na ipinaliwanag ng Department of Justice (DOJ) sa publiko na hindi umano “technically” o literal na naaresto ng Czech Republic si Zaldy Co.

Matatandaang si Pangulong Marcos mismo ang nagkumpirma sa pagkakahuli kay Co sa pamamagitan ng paglalabas niya ng pahayag sa kaniyang Facebook post noong gabi ng Huwebes, Abril 16, 2026.

Giit ni Castro, walang mali sa anunsyo ni Pangulong Marcos dahil nangangahulugan ito na si Zaldy Co ay nasa kustodiya ng Czech Republic o ang kaniyang galaw ay pinigilan ng Czech authorities.
Aniya pa, ang salitang “aresto” ay hindi nanggaling kay Pangulong Marcos.

“Pag sinabi nating nahuli na si Zaldy Co, it doesn’t necessarily mean na it is an arrest. Ang ‘nahuli’ na salita ay very general. So kapag nahuli, puwede nating sabihin na napahinto, naistop, naprevent sa pagkilos. At hindi mali ang Pangulo sa kaniyang inulat noong April 16,” ang winika ni Castro.

“Hindi po ito mali, hindi po nanggaling sa Pangulo mismo ang salitang aresto. Pero hindi rin po kinakaila ng SOJ (Secretary of Justice) that the movements of Zaldy Co were restrained to a certain extent,” aniya pa rin.

Tinuran ng Pangulo na nakikipagtulungan na ang gobyerno ng Pilipinas sa Czech authorities upang sa gayon ay kagyat na maibalik sa Pilipinas si Zaldy Co upang maharap nito ang mga reklamo laban sa kanya. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here