MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na hihingan nito ng update ang Department of Public Works and Highways (DPWH) patungkol sa panukalang tulay na magkokonekta sa Aklan at Boracay Island.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ipinaalam na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tungkol sa panukala subalit hanggang ngayon ay wala pang pag-apruba mula sa Pangulo.
“Nabalitaan na po natin, nabalitaan na po ng Pangulo ang nangyayari dito at sa ngayon po, pinamamahalaan muna kay DPWH Secretary Vince Dizon,” ayon kay Castro.
Ani Castro, naghihintay ang Malakanyang ng karagdagang detalye mula sa DPWH.
“Hihingi po tayo ng update patungkol po dito,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ang panukalang tulay ay naglalayong paghusayin ang pagkakakonekta sa pagitan ng mainland province ng Aklan at island resort ng Boracay, isa sa top tourist destinations ng bansa.
At nang tanungin naman si Castro kung inaprubahan na ang proyekto, ang tugon nito ay “Hindi po masasabi sa ngayon.”
Samantala, ang proyekto na ipatutupad sa ilalim ng Build-Operate-Transfer scheme ay kinabibilangan ng 2.54-kilometrong tulay na may access para sa public transport, pedestrian lanes, bikeways, at utilities.
Ang San Miguel Holdings Corporation ang nagpasimula ng Boracay Bridge Project sa pamamagitan ng pagsusumite ng unsolicited proposal sa DPWH noong Pebrero 14, 2018.
Gayunman, ang panukalang infrastructure development ay kagyat na naharap sa kritisismo dahil sa potensyal na “environmental damage at economic impacts,” kabilang na ang displacement ng mga bangkero o mamamangka at mga trabahador sa daungan.
Ang pag-apruba at implementasyon sa proyekto ay kinontra ng ilang stakeholders at lokal na populasyon. (Kris Jose)