Home Uncategorized PTFoMS: Pagkamatay ng mamamahayag sa Taboso clash, sisilipin 

PTFoMS: Pagkamatay ng mamamahayag sa Taboso clash, sisilipin 

94
0

MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang pagkamatay ng community journalist na si RJ Nichole Ledesma, isa sa mga nasawi sa operasyong militar sa Toboso, Negros Occidental.

“Kinikilala namin ang magkakasalungat na pahayag tungkol sa kinabibilangan ng nasawi. Mahalaga ang pag-alam sa katotohanan sa pamamagitan ng masusing pagsusuri ng ebidensya, alinsunod sa International Humanitarian Law at mga pamantayan sa karapatang pantao,” ani PTFOMS Executive Director Jose Torres Jr.

Dagdag pa ni Torres, malugod nilang tinatanggap ang malayang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa insidenteng ito. Kailangang beripikahin nang buo at walang kinikilingan ang lahat ng detalye upang matiyak ang hustisya at pananagutan.

Si Ledesma ay kabilang sa 19 nasawi sa operasyon ng militar, kung saan napatay din ang UP student leader na si Alyssa Alano. Mismong ang Communist Party of the Philippines ang nagpahayag na sibilyan si Ledesma.

Pinaalalahanan ni Torres ang mga mamamahayag na kumikilos sa conflict zones na sundin ang safety protocols.

Ayon pa kay Torres, ang pagsusuot ng vest, badge, o iba pang palatandaan na malinaw na nagpapakilala bilang mamamahayag ay makakatulong para hindi sila mapagkamalang mandirigma.

“Bagamat hindi nito magagarantiyahan ang kaligtasan, mahalaga itong hakbang para mabawasan ang panganib at makakilos nang maayos ang mga mamamahayag sa mga mapanganib na lugar,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na hindi sila makikialam sa imbestigasyon ng CHR kaugnay ng madugong operasyon.

“Ang pagkawala ng mga buhay ay nagpapakita ng patuloy na epekto ng armadong tunggalian at ang pangangailangang tugunan ang ugat ng mga ito para sa pangmatagalang kapayapaan,” pahayag ng PTFoMS. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here