MANILA, Philippines – Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala pang beripikadong impormasyon hinggil sa umano’y destabilization effort na kinasasangkutan ng ilang retiradong military officers, at tiniyak na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon at mga military exercises.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Xerxes Trinidad, kailangang beripikado muna ang mga ulat tungkol sa naturang isyu bago ito paniwalaan.
“Information needs to be validated. Sana huwag tayong makinig sa speculations… As of now, we have not received any reports,” sabi ni Trinidad sa gitna ng Integrated Air and Missile Defense drills sa Zambales.
Nag-ugat ang pahayag matapos umapela ang Malacañang sa mga law enforcement agency na imbestigahan ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson hinggil sa umano’y pangre-recruit ng ilang retiradong opisyal ng militar para sa posibleng “people power revolution” sa loob ng hanay ng mga sundalo.
“Matagal na pong balita iyan. Matagal na nilang gustong magsagawa ng destabilization laban sa ating Pangulo, hindi na po iyan bago,” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Sa kabila nito, tiniyak ng AFP na tuloy ang lahat ng military activities kabilang ang joint exercises tulad ng Balikatan, na matagal nang pinaplano.
“Our exercises are pre-planned a year before… We will continue with the 42nd iteration,” ani Trinidad.
Dagdag pa niya, walang epekto sa operasyon ng militar ang mga alegasyon, at hindi rin ito nakaapekto sa partisipasyon ng mga partner nations sa joint exercises.
“We are not affected. All our forces are here,” aniya, at sinabing nadagdagan pa ang bilang ng mga bansang kalahok sa Balikatan na umabot na sa pito.
“We are disciplined, committed, and loyal to the Constitution and the Chain of Command,” diin ni Trinidad. Dave Baluyot