MANILA, Philippines – Ibinasura ng National Police Commission (Napolcom) ang administratibong reklamo laban sa ilang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG NCR) kaugnay ng umano’y pagkawala ng ₱40,000 cash at 22 manok matapos ang operasyon laban sa ilegal na e-sabong sa Tondo, Manila.
Ayon sa Napolcom, matapos ang masusing pagsusuri ng ebidensya at batas, wala umanong sapat na basehan para papanagutin ang mga pulis.
“After a meticulous evaluation of the records, evidence, and applicable laws, the Commission found no probable cause to hold the respondent police personnel administratively liable,” ayon sa pahayag ng Napolcom.
Dagdag pa ng ahensya, ang operasyon ng CIDG NCR ay lehitimong entrapment laban sa ilegal na e-sabong.
“Records show that the CIDG-NCR operation was conducted as part of a legitimate entrapment activity targeting illegal e-sabong operations,” dagdag nito.
Naganap ang operasyon noong Marso 24, kung saan 28 umano’y operator at 136 bettors ang naaresto.
Bagama’t hindi pinangalanan ng Napolcom ang mga pulis na inirereklamo, sinabi ng ulat na kabilang dito ang CIDG NCR chief na si Col. John Guiagui at siyam niyang tauhan na kinasuhan ng Coliseo de Manila management.
Sinabi ng Napolcom na isinagawa ng kanilang IMIS ang “comprehensive and impartial investigation” sa reklamo.
Gayunman, binigyang-diin ni Napolcom Commissioner Rafael Calinisan na mahalaga pa rin ang pananagutan ng pulisya ngunit kailangan ding protektahan ang mga ito laban sa walang basehang reklamo.
“While we remain resolute in our mandate to discipline erring personnel within the PNP, we are equally committed to protecting our officers from baseless and retaliatory complaints,” aniya.
Samantala, sinabi ng kampo ng Coliseo de Manila na nagsampa rin sila ng hiwalay na kasong kriminal at sibil laban sa CIDG NCR kaugnay ng insidente. RNT/MND