Home METRO Sustainable development record ng Maynila, inilatag ni Yorme Isko

Sustainable development record ng Maynila, inilatag ni Yorme Isko

62
0

MANILA, Philippines – Iprinisinta ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa larangan ng sustainable development, kabilang ang libreng serbisyong pangkalusugan, pagpapalawak ng edukasyon, paglikha ng trabaho, at pagsusulong ng social inclusion.

Sa kanyang talumpati sa Manila Bulletin Sustainability Forum na ginanap sa University of Santo Tomas nitong Huwebes, Abril 30, iginiit ng alkalde na ang 17 Sustainable Development Goals ng United Nations ay nagiging makabuluhan lamang kung aktibong ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan.

“Ang mga layuning ito ay walang saysay kung walang kikilos. Hindi ito kusang naipapatupad o napopondohan. Kailangan may gagawa—at sa Maynila, ginagawa namin ang trabaho,” ani Domagoso.

Sa sektor ng kalusugan, binigyang-diin ng alkalde ang pagbubukas ng ikapitong district hospital sa Baseco at ang paglulunsad ng cardiac catheterization laboratory sa Ospital ng Maynila, kung saan libre na ang serbisyong umaabot umano sa ₱300,000 sa mga pribadong ospital kung saan mahigit ₱500 milyon na rin ang inilaan para sa gamot at kagamitang medikal.

Sa edukasyon naman, itinampok ang pagpapatayo ng mga bagong pampublikong paaralan, paglalagay ng Smart TVs sa mga kindergarten classroom, pagbibigay ng allowance sa mahigit 11,000 guro, at libreng gatas para sa mga mag-aaral.

Pagdating sa ekonomiya, sinabi ni Domagoso na ang muling pagbubukas ng Electronic Business One Stop Shop at pagbawas ng documentary requirements ay nagbunga ng higit 300 porsiyentong pagtaas sa koleksyon ng buwis sa negosyo sa unang tatlong buwan ng kanyang termino. Umabot din sa ₱7.1 bilyon ang bagong pamumuhunan na lumikha ng mahigit 12,000 trabaho.

Samantala, sa usapin ng social inclusion, itinampok ng alkalde ang ginanap na Summer Pride Parade 2026 mula Ermita hanggang Remedios Circle, na dinaluhan ng libo-libong miyembro ng LGBTQIA+ community, kanilang pamilya, at mga kaalyado. Aniya, bahagi ito ng patuloy na pagsusulong ng inclusivity sa lungsod.

Matatandaang sa kanyang unang termino ay naipasa ang Anti-Discrimination Ordinance na nagbibigay proteksyon sa LGBTQIA+ community, na sinundan ngayon ng mas malawak na selebrasyon ng Pride.

“Ang lungsod na may naiiwan ay hindi maituturing na sustainable,” ani Domagoso.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ng alkalde ang mga kabataan na maging mapanuri at aktibong makilahok sa paglilingkod sa komunidad.

“Ang sustainability ay paggawa ng desisyon ngayon na ipagpapasalamat ng susunod na henerasyon. Sa Maynila, iyon mismo ang aming ginagawa,” ani Yorme Isko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here