MANILA, philippines – Bitin ang Malakanyang sa limitadong impormasyon na ibinigay nina ambassador of France at Charge d’ Affaires ng Embassy ng Czech Republic ukol sa pagkawala ng puganteng si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa kustodiya ng Czech Republic.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na bagama’t nakapulong ng Pangulo sina French Ambassador to the Philippines Marie Fontanel at Chargé d’affaires ng Czech Republic sa Pilipinas na si Eva Tenzin sa Palasyo ng Malakanyang ay hindi na aniya nagbigay pa ng karagdagang impormasyon ang mga ito ukol kay Zaldy Co.
“Noong sinabi po ito ng chargé d’affairesng Czech Republic, iyon lamang po ang kinumpirma niya sa Pangulo, talagang na-detain si Mr. Zaldy Co sa Czech Republic dahil nga po sa invalid travel documents. At maliban po diyan, humihingi pa po ng iba pang pahayag or information ang ating Pangulo sa Czech Republic. Pero hindi na po napagbigyan ang Pangulo dahil sa may sinusunod ang Czech Republic na international law, European and national laws,” ayon kay Castro.
“At sabi po niya, kung puwede nga po na makahingi pa ng tulong mismo sa gobyerno ng Czech Republic sa mas marami pang impormasyon na maibibigay dahil nga po kahit na si Secretary Vida ang pumunta sa Czech Republic ay hindi na po nabigyan ng additional information. Pero ang tugon lamang po nila ay makikipagtulungan sila nang naaayon sa kanilang batas,” aniya pa rin.
At kung pag-uusapan aniya ang pagpapamadali ng pagbalik kay Zaldy Co, sinabi ni Castro na ito aniya ang mensahe ni Pangulong Marcos sa Czech Republic at bansang France.
“At muli, ang sabi nila, hindi po sila makakapagbigay ng impormasyon lalo na’t kung may individual case for a political asylum. So, iyon lamang po ang nakuha na impormasyon natin kahapon, kasama ang Pangulo,” anito.
Kaya nga aniya, dismayado si Pangulong Marcods sa mga nangyari at ‘very unsatisfactory’ ang naging result dahil habang patuloy na nakikipag-ugnayan ang bansa sa Czech Republic habang nandudoon si Zaldy Co ay biglang naputol aniya ang pagbibigay ng impormasyon.
Samantala, ang commitment naman na ibinigay ng France at Czech Republic kay Pangulong Marcos ay na may kinalaman sa kaso ni Zaldy co ay hind maaapektuhan ang bilateral relations ng mga ito ay ang anumang impormasyon basta naaayon sa kanilang batas ay ibibigay ng mga ito.
Wala rin aniyang nabanggit ang Ambassador ng France patungkol sa kasalukuyang status ng application ng asylum ni Zaldy Co.
“Wala pong nabanggit kahapon si French Ambassador patungkol po diyan. Kaya iyong mga ibang nag-i-speculate at nagbibigay ng kanilang mga opinyon na bakit hindi nagbibigay ng pahayag ang Palasyo, dahil iyon po ang polisiya ng bansang France at ng bansang Czech Republic. So, wala pong tinatago ang gobyerno. Sa mga nagsasabi na malamang na may tinatago ang gobyerno na mga impormasyon, wala po,” litaniya ni Castro.
Kaugnay nito, “Mr. President, you are correct in your information that Zaldy Co was detained by Czech authorities due to invalid travel documents,” iyan ang mariing kinumpirma ayon kay Castro ng chargé d’affaires ng embahada ng Czech Republic sa Pilipinas na si Eva Tenzin kaugnay sa naunang pahayag ni Pangulong Marcos a nahuli at na-detain si Zaldy Co at sumailalim ito sa kustodiya ng Czech Republic.
Winika ni Castro na ito ang naging pambungad ni CDA Tenzin nang tanungin siya ng Pangulo kaugnay sa naging estado ni Zaldy Co noong hawak pa siya ng Czech Republic – walang pasubali, walang pagkakamali sa naging pahayag ng Pangulo para sa taumbayan.
Kahapon aniya, araw ng Miyerkules, nakipagpulong ang Pangulo kay Ms. Tenzin at French Ambassador to the Philippines Marie Fontanel kaugnay sa kaso ni Co. Dito ipinahayag ng Pangulo ang kaniyang pagkadismaya matapos na ma-release ang puganteng si Co mula sa kustodiya ng Czech Republic at nananatiling nasa Europe.
Hiningi rin aniya ng Pangulo na maliwanagan at maipaliwanag at iginiit na hindi dapat maging kakulangan ng ibang bansa para sa mga tumatakas sa kamay ng batas sa Pilipinas.
Gayunman, pinagtibay aniya ng Pangulo ang matibay na ugnayan ng Pilipinas sa Czech Republic at France na nakaangkla sa democratic values at pagrespeto sa rule of law.
Binigyan-diin din pa rin ng Pangulo ang kahandaan ng Pilipinas na pabilisin ang mga kasunduan ng extradition at iba pang kooperasyon sa batas.
Sa huli aniya ay muling tiniyak ng Pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng ligal at diplomatikong paraan upang maibalik sa Pilipinas ang puganteng si Zaldy Co upang harapin ang graft at malversation cases na isinampa laban sa kaniya dito sa Pilipinas. (KRIS JOSE)