PENNSYLVANIA, USA – Muling nagbalik ang Friendster, ngunit hindi na ito tulad ng dating social media platform na nakikipagkumpitensya sa Facebook o Instagram. Sa halip, inilunsad ito bilang mobile app na nakatuon sa pribadong koneksyon.
Sa bagong bersyon ng Friendster, wala nang ads, algorithm-based feed, at public follower system. Tanging mga taong kilala mo lang ang puwedeng makontak at makakita ng posts, at hindi ito ginawa para sa viral content.
Isa sa pinakamalaking pagbabago ay ang pag-connect ng users sa pamamagitan ng pagdikit o “tap” ng kanilang mga cellphone, kaya limitado lamang ito sa aktwal na personal na pagkikita.
Wala ring data selling o algorithmic content sorting, at nakatuon ang platform sa privacy at direktang interaksyon. Wala rin itong discovery features para magpakita ng content mula sa labas ng network ng user.
Unang inilunsad ang Friendster noong 2002 at naging tanyag sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asia bago ito nagsara noong 2015 matapos mahirapang makasabay sa pag-usbong ng ibang social media.
Ngayon, muling binuhay ito ng bagong developer na nakabili ng domain at trademarks, at ginawa itong mas maliit at kontroladong social experience.
Sa kasalukuyan, limitado pa ang availability nito at iPhone users lamang ang makaka-access, habang wala pang kumpirmasyon kung kailan ito darating sa Android o web version.
Ayon sa ulat, hindi na layunin ng Friendster na kalabanin ang mga malalaking social media platform, kundi magbigay ng mas simple at pribadong paraan ng pakikipag-ugnayan. RNT/MND