MANILA, Philippines – Inaasahang lilikha ng nasa 150,000 trabaho ang P2 trilyong investments na inaprubahan noong nakaraang taon, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, Mayo 1, Araw ng Paggawa.
“Noong nakaraang taon, halos P2 trilyon ng investment ang ating naaprubahan. Lilikha ito ng halos 150,000 trabaho,” sinabi ni Marcos sa 124th Labor Day celebration sa isang mall sa General Santos City.
Nasa 94 job fair sites ang nag-aalok ng 150,000 job vacancies sa buong bansa hanggang sa katapusan ng Mayo.
Nasa 6,000 job fairs naman ang isinagawa mula Hunyo 2022 hanggang Pebrero 2026, kung saan mahigit 1.5 milyong job seekers ang nagtungo.
Nasa 250,000 naman sa mga ito ang na-hire on the spot.
“Sa pamamagitan ng job fair na ito, nais naming ipatuloy na bumuti ang bilang at kalidad ng trabaho na available sa ating mga kababayan,” sinabi ni Marcos.
“Sa pamamagitan ng regional tripartite wages and productivity boards, naipasa ang 89 na wage order mula Hunyo 2023 hanggang Abril 2026. Kabilang dito ang wage hikes na epektibo ngayong araw tulad ng sa Region X at Region 13,” dagdag pa niya.
Aniya, ang minimum wage sa Northern Mindanao at Caraga ay tinaasan sa P500 at P475. RNT/JGC